NP DAPAT NA MAJORITY PARTY IMBES NA MINORITY PARTY
LP KAPOS SA ORAS PARA UMAPELA SA SC DAHIL SA TAKTIKA NG COMELEC
Iniipit ng Commission on Elections ang paglalabas sa pormal na desisyon na nag-aapruba sa pekeng alyansa ng Nacionalista Party at Nationalist People’s Coalition bilang Dominat Minority Party sa May 10 elections dahil parte ito ng sabwatan para dayain ang resulta ng kauna-unahang automated polls pabor sa Villarroyo Coalition, ayon sa Liberal Party.
Ayon sa ilang matataas na lider ng LP, mas dapat na sa Dominant Majority Party mapabilang ang Nacionalista Party sa halip na Dominant Minority dahil mayorya ng mga kaalyado at supporters ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay inabandona na ang umano’y anointed niya na si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro, at nag-ober da bakod at lantaran nang nangangampanya ngayon para kay Villar.
Sa ginanap na press conference sa LP headquarters sa Cubao kahapon, nagpahayag ng pagkabahala sina LP standard bearers Senators Benigno S. Aquino III at Senator Mar Roxas na ang pagkabalam ng resolution para nombrahan ang pekeng koalisyon ng NP at NPC ay sinadya para mabalewala ang pag-apela ng LP sa Supreme Court bago ang May 10 national elections.
“What’s taking the Comelec such a long time to release this resolution? Alam na naman ng sambayanan na niluto na sa Comelec ang koalisyon ng NP at ng NPC,” ayon kay Liberal President Senator Mar Roxas.
Hamon pa ni Roxas sa Comelec, kung hindi totoo ang kanilang pangamba, bakit hindi ilabas ang resolution hanggang maaga nang makagawa ng ligal na aksyon ang LP? “Kailangang ilabas na ito, ngayon na,” giit niya.
Nanawagan naman si Aquino sa NP na tigilan na ang pagpapanggap na opposition party lalo’t hindi na naman sikreto ang ‘unholy alliance’ nila ni Pangulong Arroyo. Kaya nga marapat lang umano na palitan na ng NP ang Lakas-Kampi bilang bagong Dominant Majority Party sa halalan sa May 10.
“Ang dominant minority status ay para sa mga partidong oposisyon. Hindi naman opposition party ang NP kundi isang administration-backed party. Kaya mas akma kung nag-apply ito na Dominant Majority Party,” sabi ni Aquino.
Noong Biyernes ay naghain ng motion sa Comelec ang mga abogado ng LP na humihiling na ilabas na ang formal decision sa NP-NPC merger. Iginiit nila na, “unnecessary further delay of the release of the allegedly already-signed resolution…may frustrate the right of the Liberal Party to make the appropriate remedy.”
Bago ito, naghain din ang LP ng dalawang hiwalay na Motions for Early Resolution of the issue – isa noong Marso 23 at isa noong Marso 30—para agad na resolbahin ng Comelec ang kaso dahil papalapit na ang elesyon pero hindi ito inaksyunan ng Comelec.
Gayunman, noong Abril 8 ay ipinahayag ni Commissioner Lucenito Tagle na inaprubahan na nila ang NP- NPC merger. Pero sinabi niya rin na ang naturang desisyon ay hindi napo-promulgate at ngayong linggo pa ire-release ng Comelec ang resolution hinggil dito.
Binatikos naman ni Roxas ang premature announcement ng Comelec decision, lalo na’t dapat na mas nauna ang formal resolution bago ang ginawang media announcement.
Sa simula pa lang ay kinontra na ng LP ang pekeng NP-NPC coalition dahil iligal ito: binuo ito at nirehistro nang tapos na ang August 17, 2009 deadline ng Comelec; at hindi rin ito inaprubahan ng mismong NPC founder na si Ambassador Eduardo Cojuangco Jr. Ayon mismo sa anak nitong si Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, walang awtorisasyon si NPC chair at dating Isabela Gov. Faustino Dy Jr. na makipag-alyansa sa iba pang political parties.
Kapag pinayagan ang pekeng NP-NPC alliance bilang Dominant Minority Party sa May 10 elections, sa kanila mapupunta ang inaasam ng opposition party na kopya ng election returns at access sa central electronic server ng mga boto sa araw ng halalan.
Babala ni Aquino, kung puro sa administration parties o kay Villarroyo mapupunta ang lahat ng servers, mas malaya nilang magagawa ang pinaplanong pandaraya sa araw ng halalan.
Kamakailan ay inalarma ang publiko nina Aquino at Roxas hinggil sa planong ‘grand conspiracy’ para dayain ang resulta ng May 10 polls. Ito’y lalo pang pinatindi ng kawalang preparasyon ng Comelec sa kauna-unahang automated election system (AES) sa bansa at NO-EL ( no election) scenario, para malawig pa ang 9-taon nang termino ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
04-13-2010
|