NAGSISINUNGALING ANG NP – GASCON
Nahuli na namang nagsisinungaling ang Nacionalista Party upang mapaniwala ang publiko sa diumano’y lumalaking bilang nito para sa paparating na eleksyon sa Mayo.
Ayon kay Liberal Party Director General Chito Gascon, walang katotohanan ang sinasabi ng NP na nag-ober da bakod ang 300 miyembro ng LP sa kampo ni Manuel Villarroyo.
Sinabi ni Gascon na ang mga kandidatong ipinagkakalat ng NP na lumipat sa kanilang kampo ay nakalistang mga “independents” sa opisyal na listahan ng Commission on Elections ng mga kandidato para sa national at local levels.
“Hindi kailanman nakakuha ng official nomination mula sa liderato ng Liberal Party ang mga kandidatong ipinagyayabang ng NP na tumalon na sa kanilang bakod,” diin ni Gascon.
Dagdag pa ni Gascon, walang katotohanan ang sinasabi ng NP na may 11 diumano’y mayors na pawang mga miyembro ng LP sa Surigao del Norte ang lumipat na sa kanilang kampo dahil wala naman talagang incumbent mayors ang LP sa naturang probinsiya.
Aniya pa, nag-‘double insertion’ na naman ang NP nang sabihin nitong nag-ober da bakod sa kanilang kampo sina Mayor Bebe Hitgano ng Trento, Agusan Del Sur, Vice Mayor Martin Heje ng Bunawan, Agusan del Sur, at Vice Mayor Antonio Petalcorin ng Rosario, Agusan del Sur dahil Nobyembre pa lamang noong isang taon ay mga NP na sila.
Sinabi din ni Gascon na hindi kailanman binigyan ng official nomination papers ng LP ang mga kandidatong sina Roger Patanao (gubernatorial candidate), Mercedez Atupan (vice gubernatorial candiate), at Jovette Calo (congressional candidate) ng Agusan Del Norte at ang iba pang kandidatong sumumpa sa NP.
“Kahit mag-check pa sa Comelec, makikitang hindi mga LP ang mga kandidatong ito kundi mga independents. Nananatiling matatag ang Partido Liberal,” diin ni Gascon.
03-04-2010
|