COMELEC RULING SA ALYANSANG NP-NPC PINABABASURA NG LP SA SC 

TRO SA PAGHAHAYAG SA DOMINANT MINORITY PARTY HINIRIT 

 

Hiniling ng Liberal Party sa Supreme Court na ibasura ang desisyon Commission on Elections (Comelec) na nag-aapruba sa pekeng alyansa ng Nacionalista Party (NP) at Nationalist People’s Coalition (NP-NPC).

Kasabay nito ay hiniling din ng LP sa Kataas-taasang Hukuman na pigilin ang Comelec sa paghahayag sa magiging dominant minority party sa May 10 national at local elections.

Sa 53-pahinang Petition for Certiorari and Prohibition with Urgent Application for Temporary Restraining Order status quo ante and/or writ of preliminary injunction na inihain ng mga abogado ng LP sa Supreme Court sa Baguio City, muling iginiit ng partido na peke ang alyansang NP-NPC at binuo lang ito para agawin sa LP ang dominant minority party status na nakuha nito noong 2007 senatorial elections.

Binigyang diin ng LP na maging si Comelec Commissioner Rene Sarmiento ay naniniwalang peke at kaduda-duda ang NP-NPC merger.

Mismong si NPC chairman Faustino Dy Jr., na siyang lumagda sa pagsasanib ng NP-NPC, ay umamin “under oath” sa Comelec na hindi inaprubahan o niratipikahan ng NPC National Convention ang naturang merger kahit pa required ito sa Constitution and By-Laws ng kanilang partido.

Inamin din ni Dy sa poll body na hindi niya kinonsulta ang mga NPC members na alam niyang tutol sa merger, kaya maraming kandidato ng NP at NPC ang naglalaban-laban sa national at local positions sa May elections.

Kalokohan din na inampon ng NP-NPC Coalition ang buong senatorial slate ng NP pero initsapwera ang NPC senatorial candidates na sina Tito Sotto at Ompong Plaza, ayon sa LP.

Kaya lumilitaw na “kapirasong papel” lang ang NP-NPC merger na binuo para pahinain ang tsansa ng ibang partidong politikal na sumasandal sa totoo nilang mga kwalipikasyon para makuha dominant minority party status, ayon pa sa LP.




 

 


04-19-2010