MAS MARAMING GAMOT ANG PAPABABAIN ANG PRESYO -- ROXAS

 

Tiniyak ngayon ni Liberal Party President at vice presidential frontrunner Senator Mar Roxas na personal niyang isusulong na mapalawak at mapabilis ang pagpapatupad ng Cheaper Medicines Law kung papalaring manalo bilang bise presidente sa papalapit na halalan sa Mayo 10,. 

Ayon kay Roxas, nagkasundo sila ni Senador Benigno S. Aquino III, ang kanyang kandidato para Pangulo, na ang pagpapababa ng presyo ng gamot ang isa sa mga unang aatupagin ng isang administrasyong Aquino-Roxas. 

“Unang una ipaglalaban natin yung Cheaper Medicines Law at kung papalarin po tayo, mas lalong papabilisin natin ang pag-implement ng batas na ito,” paniniyak ni Roxas, mas kilala bilang ama ng nasabing batas, at nangungunang vice presidential candidate sa magkakahiwalay na pre-election surveys. 

Ilan sa mga gamot na nais ni Roxas na bumaba pa ang presyo ay ang Lipitor, isang cholesterol-lowering medicines, na dati ay P100 ang presyo kada tableta ay mabibili na ngayon sa halagang P50 kada tableta, at ang Diamicron, ang mabisang gamot na kumukontrol sa blood sugar levels ng mga taong may type 2 diabetes, dati ay P15 kada tableta at ngayon P7.50 na lang. 

Ang nasabing mga gamot ay ginagamit na maintenance medicine ng mga taong may sakit na diabetes. “Twice a day ‘yan iniinom ‘eh, kung P15 ang savings ‘eh katumbas na ng kalahating kilong bigas yan. Kaya malaking bagay ito sa ating mga kababayan at isa ito sa talagang maaasahan na isusulong ko sakaling palarin tayo.” 

Bukod pa rito, nais rin ni Roxas na lahat ng mga Pilipino ke mahirap o mayaman at kahit saan nakatira ay masasakop ng medical insurance sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corp. o Philhealth.

“May programa kami na tinatawag na universal health care na ibig sabihin lahat ng kababayan natin magkakaroon ng access sa Philhealth,” ani Roxas sa isang panayam at siniguro rin na tatrabahuhin rin niya na madagdagan ang mga benepisyo na ipinagkakaloob ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). 

Tinukoy rin ni Roxas na bukod sa health care, kabilang sa mga programa nila ni Aquino ay ang modernisasyon ng edukasyon, pagpapasigla sa ekonomiya, paglikha ng maraming trabaho at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.

 

 

 


04-21-2010