TAGUMPAY NG POLL AUTOMATION SISIGURUHIN NG LP

AQUINO, ROXAS UMAPELA NG PAGKAKAISA NG SAMBAYANAN

Nanawagan si Liberal Party presidential candidate Noynoy Aquino sa lahat ng mga Pilipino na magkaisa at magtulungan upang matiyak na magkakaroon ng mapayapa, maayos at malinis na eleksiyon sa May 10.

Kaugnay nito, inatasan ni Aquino si LP General Campaign Manager Butch Abad at ang iba pang senior campaign officials ng partido na simulan na ang pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor gaya ng mga pinuno ng simbahan, election watchdogs, diplomatic community, military at police at maging presidential candidates para matiyak na magiging matagumpay ang kauna-unahang automated elections sa bansa.     

“Panahon na upang bumangon at mangarap muli. Ito ang tinig ng sambayanan sa darating na eleksyon,” ayon sa LP standard bearer.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay kinalampag ng Liberal Party, sa pangunguna ni Aquino at running mate niya na si Sen. Mar Roxas, ang Comelec dahil sa kabagalan o kawalang interes nito na aksyunan ang mga problema sa automated election system (AES).

Kabilang sa mga reklamo ng LP sa Comelec ay kawalan ng independent review ng source code; pag-alis sa ultraviolet (UV) scanner sa Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines at sa halip ay mas pinaboran ang paggamit ng UV lamps para basahin ang security markings sa mga balota; walang kasiguruhang manual audit at kawalan ng malinaw na back up plan ng Comelec.

“Kami sa Partido Liberal ay nangangako ng tunay na pagbabago, kaya’t anumang balakid sa pagsasakatuparan nito ay aming pipigilin,” paniniyak ni Aquino.

“Sa Comelec at sa iba pa, ang kredibilidad ng ating halalan ang siyang pinakamahalagang maipamimigay natin sa susunod na mga henerasyon. Ito lamang ang pamamaraan na kung saan ang ating mga mamamayan ay maaaring maipaabot ang kanilang tinig, ang kanilang pananaw sa regular na paraan.” sabi naman ni Roxas.

Dagdag pa ni Roxas, “Ninanakaw ang pera natin, ninanakaw na ang kasalukuyan natin. Huwag nating payagan na nakawin pa ang kinabukasan natin.”  

Ito rin ang dahilan kaya’t nag-iingay ang Liberal Party, upang bigyang babala si “Juan de la Cruz” hinggil sa panganib na magkaroon ng dayaan o failure of elections sa May 10 at maprotektahan niya ang kanyang boto,” ayon pa kay Aquino.

 

 

 


04-05-2010