PAGIGING POLITICAL BUTTERFLY NI LOREN KITA SA GIMMICKS NIYA -- LP

 

Lalong lumutang ang pagiging “political butterfly” ni Senador Loren Legarda sa kanyang walang-habas na pagtatangkang protektahan ang kanyang boss na si NP presidential bet Manuel Villar sa pag-iimbento at pagbabato nito ng kung ano-anong banat sa kanyang nangungunang kalaban. 

Ito ang reaksyon ni LP Director General Chito Gascon sa banat ni Legarda na wala siyang karapatang itanggi na diumano’y sinabihan ni LP vice-presidential bet Senador Mar Roxas si Legarda na mag-withdraw na lang at suportahan ang tiket niya at ni LP presidential bet Senador Benignoy S. Aquino III. 

“Buking ng publiko na ang taktikang ito ni Legarda ay para protektahan si Villarroyo at ang kultura niya ng politika ng pera, o money politics. Dahil din sa ‘di niya maungusan kailanman si Roxas sa mga surveys, desperadong-desperado na si Senador Legarda,” ayon kay Gascon. 

Aniya, malinaw na nasugatan nang matindi ang kampo ni Villarroyo dahil sa mga rebelasyon nila Senador Richard Gordon at dating Pangulong Joseph Estrada na tinangka silang suhulan ng kampo ni Villarroyo para mag-withdraw na sila sa kanilang kandidatura at suportahan na lang siya. 

“Paano kang magtitiwala sa isang tao na ang taktika para manalo ay bilhin ang kalaban, gumastos ng bilyon-bilyon para matakpan sa media ang mga ulat tungkol sa mga anomalyang kinasabitan niya,” dagdag ni Gascon.  

Ayon pa kay Gascon, hilong-talilong na si Legarda dahil sa patuloy na paglampaso sa kanya ni Roxas sa lahat ng poll surveys kaya’t nagdesisyon ang “political butterfly” na magpakalat ng mga kasinungalingan at siraan ang Liberal Party vice presidential candidate.  

Sa “Ikaw na Ba? Vice Presidential Interview” sa dzBB ay iginiit ni Legarda na hindi siya “political butterfly” sa kabila ng kanyang pagiging dating miyembro ng Lakas Party at paglipat sa Nationalist People’s Party ni Danding Cojuangco, pagsama sa pagpapatalsik kay Estrada at kinalaunan ay paghingi ng basbas nito nang tumakbo siya bilang vice president ng namayapang si Fernando Poe Jr., at pagpapatalsik sa dating Senate President na si Villar na ngayo’y ka-tandem niya sa May 10 election. 

Sinabi pa ni Legarda na hindi siya kundi si Roxas ang palipat-lipat dahil naging Trade secretary ito sa panahon nina Erap at Pangulong Gloria Arroyo. 

Pero resbak ni Gascon, hindi kailanman tinalikuran ni Roxas ang LP na itinatag ng kanyang lolo na si dating Pangulong Manuel Roxas. “Noon hanggang ngayon, Liberal si Mar. Ang Liberal ay marangal, gaya ni Mar,” diin nito.

Patunay nito ay ang pagtalikod ni Roxas kay Gloria noong pumutok ang “Hello Garci” controversy at hindi pagkuha sa kanyang pork barrel simula noon, at pagpaparaya para sa kandidatura ng ngayo’y LP presidential bet na si Aquino, ayon pa kay Gascon. 

Hamon pa niya: “Ilang beses nang nanindigan si Mar—bayan muna bago ang sarili. Kailan naman kaya maninindigan si Sen. Legarda para sa bayan?”

 


03-11-2010